Kapwa humablot ng gintong medalya ang dalawang Pinoy billiards player na sina Carlo Biado at Rubilen Amit matapos biguin ang kani-kanilang katunggali sa men's at women's 10-ball singles sa Southeast Asia (SEA) Games sa Vietnam nitong Sabado, Mayo 21.
Nakabawi si Biado laban kay Johann Chua habang tinalo naman ni Amit si Chezka Centeno kaya nakakolekta na ang national billiards team ng 10 medalya--apat na ginto, apat na pilak at dalawang tanso.
Sa pagsabak nito sa ikasiyam na SEA Games, nananatili pa ring solido ang performance ni Amit nang kamkamin nito ang 7-5 panalo kontra kay Centeno.
Bago ang kanyang tagumpay, nagpakitang-gilas muna si Centeno nang makuha ang 5-5 mula sa 2-5 iskor nito. Gayunman, dinomina ni Amit ang sumunod na dalawang sunod na sarguhan hanggang sa makuha ang tagumpay.
Sa kampanya nito sa 31st SEA Games, nakaipon ito ng dalawang gintong medalya, isa mula sa women's 9-ball.
Sa paglalaro nito sa SEA Games, kumubra si Amit ng 10 gold medal at 18 sa pangkalahatan.
Bumawi naman si Biado mula sa pagkatalo nito kay Chua sa 9-ball finals matapos maibulsa ang gold medal sa kanyang 9-3 panalo.
Ito na ang unang pagkapanalo ni Biado ng gintong medalya simula nang sumabak sa SEA Games noong 2017.