Inaresto ng mga pulis ang isang tricycle driver at kasama nitong lalaki matapos masamsaman ng 52 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng ₱353,600 sa ikinasang buy-bust operation sa Makati City nitong Huwebes, Mayo 19.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Chief, Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga naarestong suspek na sina Joshua Bataller,alyas Jong, 24; at Vincent Imperial, alyas Teng, tricycle driver, 44, kapwa taga-Makati City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa report, nagsagawa ng joint buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit at Sub Station 1 sa No.9210 Pateros Street, Barangay Olympia, Makati City, dakong 5:10 ng hapon nitong Huwebes na ikinaaresto ng dalawang suspek.

Nasamsam kina Bataller at Imperial ang ilegal na droga, marked money, coin purse at plastic bag. 

Itinurn-over ang mga nakumpiskang ebidensiya sa  SPD Forensic Unit para sa chemical analysis habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.

“Kami sa hanay ng pulisya ay seryoso sa aming kampanya sa paglaban sa lahat ng uri ng kriminalidad at iligal na droga. Tayo ay hindi titigil hangga't hindi natin naaalis ang matagal nang problema na ito. Ang misyon ng ating kapulisan ay mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng ating komunidad,” pahayag ni BGen Macaraeg.