Nakalaya muna ang kolumnistang si Ramon "Mon" Tulfo matapos arestuhin nitong Miyerkules sa kasong cyber libel, ayon sa kanyang abogado.
Ipinaliwanag ng abogadong si Oscar Sahagun, nakapagpiyansa ang kanyang kliyente at nakalaya muna ito dakong 4:00 ng hapon ng Huwebes.
“Mabuti naman, nakalaya na si Mon. Siguro, mga past 4:00 pm, na. Oo, nag-bail. Tinaasan ni judge… 'yung [piyansa] +₱10,000, ginawang₱40,000. Dito sa Branch 24, ginawang kuwarenta kasi nag-motion 'yung abogado ni (dating Justice) Sec. (Vitaliano) Aguirre. Taasan daw, so ginawa niyang kuwarenta,” sabi ng abogado sa panayam sa telebisyon.
Hiniling aniya ng kampo ni Aguirre na maitaas pa sa₱40,000 ang piyansa ngkliyente nito dahil sa hindi nito pagdalo sa mga naunang schedule ng hearing.
Pero paliwanag ni Tulfo sa pamamagitan ng kanyang abogado, wala naman siyang natanggap na notice mula sa korte.
Itinakda naman ng korte ang pretrial sa Lunes ng umaga.
Nakauwi na aniya si Tulfo at nasa maayos na kalagayan, ayon kay Sahagun.
Matatandaang dinakip si Tulfo sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Judge Maria Victoria Soriano-Villadolid ng Manila Regional Trial Court Branch 24 dahil sa umano’y paglabag sa Section 4 (c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang kaso ay nag-ugat sa kanyang column sa pahayagan kung saan inakusahan nito si Aguirre na umano’y protektor ng mga sindikatong nasa likod ng tinaguriang “pastillas” scam sa airport na mariin namang itinanggi ni Aguirre.