Para kay ABS-CBN news anchor Karen Davila, tama ang desisyon ng bagong proklamadong senador na si Robin Padilla na talikuran na muna ang industriya ng showbiz upang maibigay niya ang tuon o pokus sa bago niyang tungkulin bilang mambabatas.
Matapos ang proklamasyon ng Magic 12 sa pagkasenador kahapon ng Mayo 18, 2022 sa PICC, sinabi ni Robin sa naging panayam ng ABS-CBN News ang tungkol sa kaniyang pagpokus sa pagiging mambabatas. Aniya, mahalaga sa kaniya ang trabahong pagreporma ng batas.
Tatapusin na lamang niya aniya ang isang nakabinbing proyektong ginagawa tungkol sa Marawi.
Ibinahagi ni Karen Davila ang naging pahayag ni Robin, sa kaniyang latest tweet nitong Mayo 19. Ayon sa mamamahayag, ito ay isang good move.
"GOOD MOVE Sen. Robin Padilla," ani Karen.
"Winning showbiz candidates should stop treating the senate like a bonus or just a stature post. Let us demand they do the work, show up and be active. The Filipino people deserve no less."
Si Robin ay isa lamang sa tatlong first-time senator, kasama sina dating DPWH Secretary Mark Villar, at mamamahayag na si Raffy Tulfo. Si Robin ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa lahat ng mga kumandidatong senador.