CEBU CITY — Nasabat ang mga pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P8 milyon sa magkakasunod na anti-illegal drug operations sa Central Visayas nitong Miyerkules.
Ang pinakamalaking haul ay nagmula sa Barangay Duljo-Fatima, Cebu City kung saan nakuha ng mga awtoridad ang 700 gramo ng umano'y shabu mula sa 29-anyos na si Bryan Duallo Justol na nakorner sa isang buy-bust sa C. Padilla Street, Duljo Fatima sa Cebu City.
Ang tinatayang halaga ng 700 gramo ay P4.7 milyon. Itinuring ng pulisya na si Justol ay isang high-value na indibidwal.
Sa bayan ng Balamban, Cebu, naaresto ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit, 1st Provincial Maneuver Force Company at Balamban Municipal Police Station ang isang 33-anyos na lalaki, na nakuhanan ng 110 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P748,000.
Kinilala ang suspek na si John Marlon Alines Lausa, residente ng Barangay Bunga, Toledo City, Cebu.
Sa hiwalay na buy-bust operation sa Dumaguete City, nadakip si Davi Bendijo Aguilar, 47, ng 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000.
Arestado din ang dalawang katao habang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement at Tagbilaran City Police Station sa Barangay Tip-Tip, Tagbilaran.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Jezrel Aaron Estique Butalid, 38, at Mary Mae Pocot Pondoc, 26, na nakuhanan ng mga pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P510,000.
Sa Barangay Tisa, Cebu City, inaresto si Rocelito Parba Alcuizar, 38, matapos mahuling may hawak na 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Sa isa pang operasyon, arestado ang isang 26-anyos na babaeng drug suspect sa Barangay Poblacion, Toledo City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Christine Amodia Monte De Ramos, na nakuhanan ng 160 gramo ng hinihinalang droga na tinatayang nagkakahalaga ng P1,088,000.
“We will sustain our intensified campaign against illegal drugs and other forms of illegal activities,” ani Brig. General Eduardo Vega, hepe ng Police Regional Office-Central Visayas.
“Let us help each other to achieve our goal,” dagdag ni BGen. Vega.
Calvin Cordova