Nangangamba ngayon ang Department of Agriculture (DA) dahil sa posibilidad na magkaroon ng krisis sa pagkain sa bansa sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) dulot ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

"'Yung nakikita natin, maraming eksperto na rin ang nagsasabi na there is a looming food crisis. Dumating man ang krisis na talagang ito, food crisis, nakahanda tayo," pahayag ni DA Secretary William Dar sa isang public briefing nitong Miyerkules.

Gayunman, nilinaw ni Dar na handa ang Pilipinas sa hamon na ito dahil sapat pa ang suplay ng pagkain.

"Dadagdagan pa, that must be clear. Ngayon pa rin ay magbanat-buto na para madagdagan pa ang produksyon," anang opisyal.

Posible aniyang maramdaman ang krisis mula Hulyo hanggang sa mga susunod na buwan.

Dahil dito, umaapela ang opisyal na madagdagan ang pondo para sa Plant, Plant, Plant program ng ahensya upang magkaroon ng subsidiya sa pataba, mapaangat pa ang feed production at maibahagi ang produksyon nito.

Matatandaang nagkaroon ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo matapos sumiklab ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ilang buwan na ang nakararaan.