Walang pinagsisisihan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pagkandidato sa pagka-pangulo sa 2022 presidential election sa kabila ng pagkatalo nito.
“I have no regrets. Madami akong dapat ipagpasalamat sa buhay. Galing ako sa basurahan. I came from nothing. I have no regrets and will always be grateful to God,” ani Domagoso, sa panayam nitong Miyerkules.
Aniya pa, pagsapit ng Hulyo 1, siya ay magiging “citizen Isko” na lamang at nangakong magiging isang responsableng mamamayan ng bansa.
“Hindi ako nagkamali ng desisyon na sumali, kasi ay nakita ko ang pinaglalaban ko, na maiahon sa maayos na katayuan ang mga tao. It was proven correct when I saw the people sa buong bansa,” pahayag pa niya.
Ang pinakamalaki aniyang natutunan niya sa kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo ay nang mapatunayang napakagandang bansa ng Pilipinas, bagama't napakarami ring mahirap na mamamayan na namumuhay sa miserableng kondisyon, lalo na sa mga lalawigan
“Kung ramdam natin ang hirap dito, mas doble ang marami nating kababayan,” aniya pa.
Bilang mamamayan ng Maynila, nanawagan din ang alkalde sa lahat ng mamamayan na magsikap at maging magaling sa kanilang napiling larangan.
Hinikayat din niya ang mga mamamayan na tulungan ang bagong administrasyon sa ilalim ng liderato nina Manila Mayor-elect Honey Lacuna at Vice Mayor-elect Yul Servo.
Una nang nagpakita ng kanyang pagiging maginoo si Moreno nang mag-concede at batiin pa si presumptive President Ferdinand Marcos Jr., sa pagkapanalo nito sa May 9 presidential elections.