Maaari na ring mag-avail ng kanilang second Covid-19 booster shots ang mga senior citizens (Priority Group A2) at maging mga frontline health workers (Priority Group A1).
Ayon sa Department of Health (DOH) at National COVID-19 Vaccination Operations Center (NVOC), partikular na maaaring ipaturok ng mga senior citizens at frontline health workers ang mRNA vaccines, gaya ng Moderna at Pfizer, upang mapalakas ang kanilang immunity laban sa virus, kabilang na rito ang Omicron sub-variant BA.2.12.1, na kumpirmadong nakapasok na rin sa bansa.
Kasunod ng inaprubahang Emergency Use Authorization (EUA) ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) at positibong rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC), inilabas na ng DOH sa pamamagitan ng NVOC ng DM No. 2022-0206 o ang Interim Operational Guidelines on the Administration of 2nd Covid-19 Vaccine Booster Doses para sa mga Senior Citizens at Frontline Healthcare Workers na may edad 18-taong gulang pataas.
“This is the moment we have all been waiting for. After careful study and consideration of the best available evidence, we shall now roll out effective immediately the second booster for our frontline health workers and senior citizens. This is part of how we fight back against the virus,” ayon kay DOH Undersecretary at NVOC Chair Myrna Cabotaje, sa isang pahayag nitong Miyerkules.
Ang mga senior at frontline workers na apat na buwan nang bakunado ng kanilang first booster shot ay maaari na aniyang makapag-avail ng kanilang second booster shot.