Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na natukoy na nila ang unang local transmission ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa.
Sa isang press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang tatlong bagong kaso ng subvariant ay natukoy nila sa Western Visayas Region.
Ayon kay Vergeire, isa sa mga pasyente ay isang fully vaccinated na returning overseas Filipino mula sa Estados Unidos habang ang dalawang iba pa ay kapwa local cases.
Sa dalawang local cases, isa aniya ang fully vaccinated habang biniberipika pa kung bakunado na ang isa pa.
Dahil sa naturang mga bagong kaso ng sakit, ang kabuuang bilang ng BA.2.12.1 cases sa bansa ay nasa 17 na sa ngayon.
“Bagamat nai-report po natin ang detection ng Omicron subvariant BA.2.12.1 noong nakaraang linggo, narito po tayo upang sabihin na mayroon na pong local transmission nitong subvariantng Omicron na ito sa ating bansa,” ani Vergeire.
“Nangangahulugan po na ang mga kaso na na-detect natin ay wala na pong kaugnayan sa mga kaso na nagmula sa labas ng bansa ngunit makikita pa rin po ang linkages ng mga detected cases,” paliwanag pa niya.
Paglilinaw naman ni Vergeire, wala pa silang naitatalang community transmission ng naturang Omicron sub variant sa Pilipinas.