Kasabay ng kontrobersiyal na paglabas ng awiting 'Kumpisal' ni Gloc-9 featuring Skusta Clee ay muling binalikan ng mga netizen ang naging panayam kay Skusta Clee o Daryl Ruiz, dahil sa naging pasabog na pag-amin ni Zeinab Harake tungkol sa kanilang paghihiwalay.

Maraming netizen ang nanghihinayang na ang ganda-ganda raw ng kanta ni Gloc-9 subalit kapag nakikita nila si Skusta Clee ay bumabalik lamang daw sa inis ang kanilang nararamdaman, lalo na sa tuwing naaalala nila ang ginawa umanong pagtataksil kay Zeinab, ayon na rin mismo sa naging rebelasyon nito sa Toni Talks.

Sa nasabing panayam bago mailabas ang music video ng 'Kumpisal', may mga nagtanong kung kumusta naman ang lagay ng puso o buhay-pag-ibig niya ngayon. Sumagot naman si Skusta subalit hindi niya direktang binanggit ang kahit na ano patungkol kay Zeinab.

Ayon kay Skusta, hindi titibay ang isang relasyon kung walang pagkakaintindihan sa isa't isa.

Tsika at Intriga

11 na buwan sa kulungan: Ricardo Cepeda, pansamantalang nakalaya

“Hindi ka naging totoo sa sarili mo. Hindi mo muna inaral ang sarili mo. Hindi n'yo inaral ang isa’t isa. Kasi doon nagsisimula ang lahat eh. Lalo na kapag hindi kayo nagkakaintindihan. Hindi lang sa isang tao ‘yun. Dapat kasi kapag kapartner, feeling ko ganoon eh."

“Kahit anong problem, dapat magkakaintindihan kayo. Kung ano ‘yung kasalanan pagdating sa relasyon, siguro ‘yung kulang ka sa pag-intindi sa partner mo. Kasi doon magsisimula lahat ‘yun, wala nang kahit na anong explanation."

Inamin din ni Skusta na wala naman daw siyang 'bigat' na nararamdaman sa kaniyang kalooban. Mas inuuna raw niyang mahalin ang sarili niya ngayon. Hindi raw kasi matututunang mahalin ang ibang tao kung hindi mamahalin ang sarili.

Nang tanungin kung kumusta na ang puso niya, "Okay naman. Kailangan mo siyang ingatan. Ako kasi, ako ‘yung tipo ng tao na hindi na ako nag-iistay sa isang lugar. Nagmo-move forward ako. Kasi kung mag-stay ako sa isang lugar, lulugmukin ko lang sarili ko.”