PAMPANGA – Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 600 gramo ng ketamine na nagkakahalaga ng P3,000,000 mula sa isang Taiwanese national sa controlled delivery operation noong Martes ng madaling araw, Mayo 17, sa Makati City.
Sinabi ng mga awtoridad na ang paketeng naglalaman ng ketamine ay idineklara bilang Air Purifier at dumating sa Port of Clark, Pampanga noong Mayo 12, 2022.
Kinilala ng mga operatiba ng PDEA Region 3 ang carrier na si Chang Bin Yen, 33, residente ng Tainan, Taiwan.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang kahon na naglalaman ng anim na piraso ng stainless steel water purifier kung saan nakatago ang 600 gramo ng ipinagbabawal na substance.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng magkasanib na operatiba sa pangunguna ng PDEA Central Luzon, BOC Port of Clark, South Police District at Makati City Police.
Sasampahan ng kasong paglabag sa section 4 (importation of dangerous drugs) ang naarestong suspek.
Ayon sa mga chemist ng PDEA 3, ang Ketamine ay isang mapanganib na gamot na nauuri bilang Hallucinogenic Drugs.
Maaari itong mag-sedate, at maging sanhi ng panandaliang pagkawala ng memorya, at dahil dito, ginagamit ito ng ilang tao bilang date-rape drug.