Iniulat ng OCTA Research Group nitong Martes na may pitong local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ang hindi na nakapagtala ng bagong kaso ng COVID-19.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni OCTA Research Fellow Guido David na kabilang sa mga naturang LGUs ang Malabon, Mandaluyong, Marikina, Navotas, San Juan, Valenzuela, at Pateros.
Samantala, mayroon naman aniyang naitalang 63 bagong kaso ng COVID-19 sa iba pang lugar sa NCR, kabilang dito ang Quezon City (15 new cases), Makati (9), Manila (9), Parañaque (7), Caloocan (5), Pasig (5), Pasay (4), Taguig (4), Las Piñas (3), at Muntinlupa (2).
Nabatid na ang naturang 63 bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ay kabilang sa 160 new COVID-19 cases na naitala sa bansa nitong Mayo 16.
Mas mababa ito sa forecast ng OCTA na makapagtatala ang bansa ng 190 bagong kaso ng sakit sa nasabing petsa.
Mayroon rin namang naitalang tatlong pasyenteng namatay dahil sa COVID-19 habang 377 ang karagdagang gumaling dahil sa karamdaman.
Sa kabuuan, mayroon nang kabuuang 3,688,292 kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 2688 na lamang ang mga aktibong kaso.
Nasa 60,458 naman ang total COVID-19 deaths habang 3,625,146 ang total COVID-19 recoveries sa bansa.
Ani David, ang COVID-19 positivity rate ng bansa ay nasa 1.1% na lamang, na pasok na pasok sa recommended rate ng World Health Organization (WHO) na 5%.