Ikinuwento ng isang ina ang nangyari sa kaniyang anak na babae bago ito pumanaw sa sakit na Type 1 Diabetes dahil, aniya, marami ang nagtatanong sa kaniya sa biglaang pagkamatay ng bata.
Sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 17, ikinuwento ni Wella Sia ang mga nangyari bago mawala si Pia. Noong Mayo 11, napansin niyang matamlay na si Nathalie Sophia, o mas tinatawag nilang Pia, at medyo pumayat na raw ito. Ngunit naisip nilang mag-asawa na normal lamang iyon dahil picky eater daw ang kanilang anak.
Gayunman, dahil nag-aalala sila, dinala nila ito sa isang ospital kinabukasan. Ang nireseta lamang ng pediatrician ay Ascorbic Acid, Multivitamins, at gamot para sa deworming-- na ang puwedeng dahilan umano ng pagpayat ni Pia ay mga bulate sa katawan.
Kahit na binigyan na ng gamot, mahina pa rin ang bata, ayaw kumain at uhaw na uhaw lamang ito. Naalarma ulit si Wella kaya naman kinabukasan ay dinala niya ulit sa parehong hospital para maisagawa ang mga kailangang tests dahil hindi umano siya kumpiyansa sa unang diagnosis ng doktor.
Sinabi ng doktor na wala naman daw sakit si Pia.
"From 4 pm to 11 pm nasa ER kami, sinabi ko lahat ng nangyari, history ng family namin sa diabetes but after conducting yung blood and urine test niya sabi lang nila na wala naman daw sakit si Pia, normal lang naman... I even showed them yung breathing ni Pia, sabi ko, tingnan n'yo po normal po ba yan parang ang lalim niya huminga," kuwento ni Wella.
"Ang ginawa lang is binilang yung breathing niya nung nurse and then sinabi niya sa Doctor and they say na Mommy normal lang yang breathing nya for her age. Hindi ako mapalagay sinabi ko pa sa Doctor na, hindi niyo po ba man lang sasaksakan siya ng dextrose or anything makahelp na bumalik energy niya. Wala din. Pinawi nila kami that night, 11 pm... walang resetang gamot... Nag-agree lang sila sa first reseta ng Pedia Doctor na tumingin sa kanya nung May 13 which is again, ASCORBIC ACID, MULTIVITAMINS and Gamot for DEWORMING and advice lang din na damihan ang fluid intake. Take note, nung dinala namin si Pia dun kaya nga pa maglakad at nakakapagsalita pa siya kahit nanghihina," paglalahad pa niya.
Noong madaling araw ng Mayo 15, hindi na raw makatulog si Pia. Kaya't sinugod na nila ito sa ibang ospital. Pagdating nila sa emergency room, agad nilang na-diagnose ang sakit ng bata at dito na nila nalaman na nasa kritikal na kondisyon na ang bata dahil hindi na umano ma-contain ng katawan nito ang sugar.
"Pagdating namin sa ER ang bilis nila agad na diagnose yung sakit ng anak ko.. I've given the same information sa both hospital kaya hindi ko maintindihan bakit hindi na-diagnose ng tama yung sakit ng anak ko sa naunang hospital. Nung dinala namin si Pia sa Children's Medical Center.. as in lupaypay na sya, hindi na makapagsalita, hindi na kaya bumangon and sabi sa amin Critical stage na siya kasi yung sugar sa katawan nya is hindi na ma-contain," paglalahad ng ina.
Mayo 16, 2022, hindi na kinaya ng kanilang anak ang gamutan at pumanaw na ito.
"Durog ang puso ko hanggang ngayon at hindi ko alam kung hanggang kelan pero patuloy kong hinahanap ang purpose ni Lord kung bakit nangyari to sa amin. And isang bagay na ipinangusap sakin ni Lord is to share our experience to save many kids and spread awareness when it comes sa Type 1 diabetes," saad ni Wella.
Kahit na nasasaktan pa rin, may mensahe si Wella sa kapuwa niyang mga magulang upang magbigay ng "awareness" sa nangyari sa kaniyang anak.
"Most of us, Mommy's and parents hindi naman talaga tayo knowledgeable sa disease na to, yung iba pa nga satin hindi aware na pwedeng magka diabetes khit super bata pa. YES, pwedeng-pwede po magka-diabetes kahit bata pa especially kung nasa Genes ang sakit na diabetes.
"Symptoms na posibleng ma overlook kasi akala natin normal lang sa bata.
1. Biglang sobrang daming uminom ng tubig, gatas, or any fluid.. parang laging uhaw na uhaw.
2. Sobrang lakas umihi to the point na nagleleak na yung ihi niya sa diaper or kapag potty trained naman yung bata, hindi nya mapigilang umihi sa bed tuwing gabi.
3. Sudden weight loss
4. Walang gana kumain, gusto inom lang ng inom
5. Matamlay at nanghihina, gusto lagi lang nakahiga
6. Hirap huminga.
"Please mga Mommy's and Parents don't ignore these symptoms dahil diabetes can really take our children from us," mensahe ni Wella sa mga magulang.
"Anak, My Pia I hope by posting this I helped you served your purpose. Hindi ka lang mukhang Angel, tlgang anghel ka na ginamit ni Lord para makasave ng maraming bata pa and sobrang proud si Mommy sayo! Habang buhay magiging proud kami sayo anak at habang buhay ka naming mamahalin at hinding hindi kakalimutan," mensahe naman ni Wella sa kaniyang anak na si Pia.