Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na umabot na sa mahigit 13.1 milyon ang mga pasaherong napagserbisyuhan ng libreng sakay program ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa paabiso ng DOTr-MRT-3, nabatid na mula Marso 28 hanggang Mayo 16, umabot na sa kabuuang 13,150,386 ang mga pasaherong kanilang naisakay ng libre sa kanilang mga tren.
Matatandaang sa unang buwan ng naturang libreng sakay, mula Marso 28 hanggang Abril 30, 2022, nasa kabuuang 8,472,637 pasahero ang napagserbisyuhan ng linya.
Nadagdagan naman ang bilang na ito ng 4,677,749 na pasahero na nakatanggap ng libreng sakay mula noong Mayo 1 hanggang 16.
Anang DOTr-MRT-3, layunin ng libreng sakay ng MRT-3 na maipakita sa publiko ang mas pinagandang serbisyo ng linya na bunga ng pagtatapos ng malawakang rehabilitasyon nito.
Nais rin umano nilang makatulong sa mga gastusin ng mga pasahero sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin at pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Dapat sana ay hanggang Abril 30 lamang ang libreng sakay ngunit malaunan ay nagpasya ang DOTr at MRT-3 na palawigin pa ito ng hanggang Mayo 30 upang mas maraming pasahero ang mapagserbisyuhan ng MRT-3.
“Sa implementasyon ng LIBRENG SAKAY, nagsimula ring magpatakbo ang pamunuan ng MRT-3 ng mga 4-car CKD train sets sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng linya. Nakatutulong ang pagde-deploy ng mga 4-car CKD train sets sa pagpapataas ng kapasidad ng MRT-3. Sa kasalukuyan, nasa 18 hanggang 20 3-car CKD train sets at hanggang apat (4) na 4-car CKD train sets ang umaarangkada sa mainline,” anang DOTr-MRT3.
Nabatid na ang isang train car o bagon ay kayang makapagsakay ng 394 na pasahero, o 1,186 na pasahero kada 3-car train set. Ang 4-car train set ay kayang makapagsakay ng 1,576 na pasahero.
Para naman anila maiwasan ang pagkalat ng sakit na COVID-19, nagpapatuloy ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap sa telepono, at pagsasalita sa loob ng mga tren. Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsuot ng face shield.