Pinangalanan na ng Commission on Elections (Comelec) en banc na nakaupo sa National Board of Canvassers (NBOC) ang 12 nanalong senatorial candidate na opisyal na ipoproklama ng poll body sa Philippine International Convention Center (PICC) Forum Tent  sa Miyerkules, Mayo 18, 2022 sa ganap na alas-4 ng hapon.

Sa Canvass Report No.7 na sakop ang 172 sa 173 COC, ang senatorial bet na may pinakamaraming boto ay ang aktor na si Robin Padilla na nakakuha ng 26,612,434 na boto.

Sinundan naman siya ni Antique Rep. Loren Legarda na may 24,264,969 na boto at nasa ikatlong puwesto naman ang broadcaster na si Raffy Tulfo na may 23,396,954 na boto.

Ang iba pang mga senatorial candidates na nagwagi ay sina Win Garchalian (20,602,655 boto); Chiz Escudero (20,271,458 boto); Mark Villar (19,475,592 boto); Allan Peter Cayetano (19,295,314 na boto); Migz Zubiri (18,734,336 na boto); Joel Villanueva (18,486,034 na boto); JV Ejercito (15,841,858 boto); Risa Hontiveros (15,420,807 boto) at ang huli ay si Jinggoy Estrada (15,108,625 na boto).

Dahil hindi na makakaapekto sa 12 nanalong senatorial candidate ang natitirang mga hindi naipadalang boto mula sa Lanao del Sur at Shanghai, China, inirekomenda ng supervisory ng poll body sa Comelec en banc na ituloy ang opisyal na proklamasyon ng mga nanalong kandidato sa Mayo 18.

“Even if we add the 685,643 registered voters of Lanao del Sur and the 1,991 registered Filipino overseas voters from Shanghai with the votes of the 13th ranked candidate 13,263,970 votes, the votes of the 12th ranked candidate 15,108,635 votes will no longer be overcome considering the margin of 1,844,655 votes,” anito na inaprubahan ng Comelec en banc. - JEL SANTOS