Ang 12 nanalong senador sa 2022 polls ay ipoproklama sa Miyerkules, Mayo 18.
Opisyal na ipapahayag ng Commission on Elections en banc, na uupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), ang “Magic 12” sa Philippine International Convention Center Forum Tent sa Pasay City sa alas-4 ng hapon.
Gayunpaman, hindi pa inilalabas ng poll body ang mga pangalan ng mga dapat iproklama simula alas-3 ng hapon, Martes.
Ngunit base sa pinakahuling partial, official tally ng Comelec, ang mga sumusunod ay ang consistent top vote getters Robin Padilla, Loren Legarda, RaffyTulfo, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Risa Hontiveros, at Jinggoy Estrada.
Nitong Martes, inihahanda na ng Comelec ang advisory para sa mga halal na senador, gayundin ang imbitasyon at programa.
Ang mga napiling senador, na dadaan sa red carpet, ay pinapayagang magdala ng limang kasama para sa okasyon.
Inaasahang magsusuot sila ng tradisyunal na kasuotang Pilipino.
Leslie Ann Aquino