TINGLAYAN, Kalinga – Iniulat ng Municipal Tourism Office na nasa 10,366 na tourist arrivals, kapwa lokal at dayuhan, ang bumisita sa pinakamatandang mambabatok (tattoo artist) sa bansa, matapos ang muling pagbubukas ng turismo mula Enero hanggang Abril ngayong taon.

Sinabi ni Johnny Tiggangay, municipal tourism officer, ang muling pagbubukas na nagsimula noong Pebrero 16 ay tugon sa hiling ng mga turista na gustong bumisita sa pinakamatandang mambabatok na si Apo Whang-od, habang ang mga taga-Buscalan ay humihiling din na muling buhayin ang kanilang pinagmumulan ng kabuhayan.

Ipinakita sa datos na ang pinakamaraming binibisitang mga lugar ng turismo ay ang industriya ng tattoo sa Buscalan, partikular kay Apo Whang-od, Bugnay Chico River, Buscalan, Loccong, Butbut Proper at Ngibat Rice Terraces,Tulgao Rice Terraces, Tulgao Hot Spring, Palang-ah Falls, Dananao Bulkan at Dananao Rice Terraces.

Ayon kay Tiggangay, bago ang muling pagbubukas, ipinag-uutos ng munisipal na pamahalaan sa kanilang mga tourism stakeholders na sumunod sa health protocols at pagsasanay ng mga tour guide para matiyak ang kaligtasan ng mga turista sa tulong ng Bureau of Fire Protection-Tinglayan at iba pang mga tanggapan.

Tourism

ALAMIN: Mga puwedeng pasyalan sa Metro Manila sa Pasko at Bagong Taon

May 42 na homestay ang natukoy sa lokalidad at may mga programang pangkapayapaan at kaayusan sa pakikipagtulungan ng pulisya at Armed Forces of the Philippines at Bodong (Peace Pact) system sa pagbabantay sa kaligtasan at kapakanan ng mga turista.

“Hindi kami nag-organisa ng anumang task force para sa turismo dahil ang mga “Umili” (mga komunidad/barangay) ang mismong task force,” ani Tiggangay

Aniya, gumaganda ang kalagayan ng ekonomiya ngayon sa Tinglayan partikular sa Buscalan sa pagbubukas ng industriya ng turismo nito.