Ipamamahagi ng Parañaque City government ang financial assistance sa mga college students sa susunod na linggo matapos itong ipagpaliban dahil sa resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabawal sa pagpapalabas, disbursement o paggastos ng pampublikong pondo sa panahon ng halalan.

Inihayag ni Mayor Edwin Olivarez noong Lunes na ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa kolehiyo ay gaganapin sa Parañaque Sports Complex sa Mayo 23 at 24 mula 8:00 a.m. hanggang 11:00 a.m.

Sinabi ni Olivarez na ang mga mag-aaral sa kolehiyo na nakatakdang tumanggap ng tulong pinansyal sa Mayo 23 ay ang mga nakatira sa Barangay Baclaran, Don Galo, La Huerta, San Dionisio, San Isidro, Sto. Nino, Tambo at Vitalez.

Aniya, ang mga benepisyaryo na nakatakdang makakuha ng financial grant sa Mayo 24 ay mula sa Barangay BF Homes, Don Bosco, Marcelo Green, Mwerville, Moonwalk, San Antonio, San Martin cde Porres at Sun Valley.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ani Mar Jimenez, Public Information Office (PIO) chief, ang mga mag-aaral na may markang 82 hanggang 85 ay tatanggap ng P3,500 kada semestre o kabuuang P7,000 para sa buong taon, habang ang mga may ceiling grades na 86 pataas ay tatanggap ng P5 ,000 kada semestre o kabuuang P10,000 para sa dalawang semestre.

Pinaalalahanan ni Jimenez ang mga estudyanteng benepisyaryo na magdala ng orihinal at larawang kopya ng kanilang school ID, official school registration form para sa unang semestre ng school year 2021-2022, ballpen, at alcohol.

Pinaalalahanan din niya ang mga mag-aaral na magsuot ng school uniform o school organizational shirt, at iwasang magsuot ng sleeveless shirts, minikirts at shorts.

Sinabi rin ng hepe ng PIO na kung sakaling wala ang mga mag-aaral, maaari niyang italaga ang sinumang kinatawan na mag-claim ng kanilang tulong pinansyal, na may tamang lagdang authorization letter at iba pang mga dokumentong kailangan sa pag-claim ng financial grant.

Idinagdag ni Jimenez na tanging mga mag-aaral at awtorisadong kinatawan lamang ang papayagang pumasok sa venue upang mapanatili ang physical distancing.

Jean Fernando