Isa sa mga nabanggit ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa naganap na pasasalamat ng Leni-Kiko tandem sa Ateneo de Manila University Bellarmine Field noong Biyernes, Mayo 13, ang paglulunsad niya ng 'Angat Buhay NGO'.

Hango ito mula sa isa sa mga legasiya ng Office of the Vice President (OVP) sa kaniyang panunungkulan bilang pangalawang pangulo ng bansa, ang 'Angat Buhay Program'.

Sinabi ni VP Leni na hindi lamang natatapos sa halalan at termino bilang pangalawang pangulo ang kaniyang serbisyo-publiko, bagay na ikinagalak naman ng mga nagsipagdalo at online attendees na Kakampink.

Nagbigay rin ng comforting words ang presidential candidate sa mga Kakampink na damhin lamang ang sakit na naramdaman dulot ng halalan, subalit huwag bumabad dito at patuloy pa ring kumilos upang i-angat ang buhay ng mga Pilipino. Kaya naman, napagpasiyahan niyang ipagpatuloy ang kaniyang programa lalo't lumitaw ang volunteerism spirit sa panahon ng kampanya, kaya nabuo ang 'Pink Movement'.

Magsisimula na raw ito sa Hulyo 1, 2022 at walang pipiliing tutulungan, anoman ang kulay na sinusuportahan ng mga magiging recipient. Marami naman sa mga sikat na Kakampink celebrity ang susuporta sa planong ito ni Robredo.

Subalit marami sa mga netizen ang nagkomento na ang 'NGO' daw na binanggit ni VP Leni ay nangangahulugang 'New Government Organization'. Nakiusap pa ang ilan sa BBM-Sara supporters na magdudulot lamang daw ito ng pagkukumpara sa magiging pamamalakad ng presumptive president at vice president, gayong 'unity' o pagkakaisa ang kanilang mithiin para sa bansa.

Ayon naman sa mga tagapagtanggol ni VP Leni, ang ibig sabihin ng NGO ay 'Non-Government Organization' kaya sana raw ay huwag na itong bigyang-intriga pa dahil ang layunin naman daw nito ay maipagpatuloy ang magagandang nasimulan ng Angat Buhay Program. Malayo umano ito sa pag-iintrigang pagtatatag ito ng bagong gobyerno upang magsagawa ng mga pagkilos laban sa tunay na kinikilalang gobyerno ng Konstitusyon.

Ano nga ba ang layunin ng mga NGOs? Ano ang naging gampanin nito hindi lamang sa bansa ngunit maging sa buong mundo?

Ang isang non-government organization (NGO) ay isang boluntaryong asosasyon ng mga tao o organisasyon, kadalasang walang kaugnayan sa gobyerno, na itinatag upang magbigay ng mga serbisyo o tagapagtaguyod para sa isang partikular na pampublikong patakaran.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/15/alamin-layunin-at-papel-ng-mga-ngo-sa-bansa-at-sa-buong-mundo/">https://balita.net.ph/2022/05/15/alamin-layunin-at-papel-ng-mga-ngo-sa-bansa-at-sa-buong-mundo/

Ang kuwento ng mga NGO sa Pilipinas sa pangkalahatan ay sumusunod sa takbo ng kasaysayan ng mundo ng mga NGO — mula sa pagtulong at pagpupunyagi sa kapakanan hanggang sa repormang panlipunan na kalaunan ay humantong sa paraan ng pagbabago.

Samantala, ipinagbigay-alam sa publiko na peke ang kumakalat na FB group na ang nakalagay ay 'Angat Buhay NGO'. Sa ngayon daw ay wala pang binubuong grupo sa social media para dito.

ALTbatrose's tweet -
Screengrab mula sa FB/Twitter