Pinaalalahanan ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia ang lahat ng mga lumahok sa May 9, 2022 national and local elections sa bansa, namagsumitena ng kani-kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCEs) sa poll body.

Ayon kay Garcia, nanalo man o natalo ang kandidato o 'di kaya ay nag-withdraw ng kanyang kandidatura, ay dapat itong magsumite ng SOCE.

“Sa mga tumakbo po kahit nag-withdraw kahit hindi natuloy, aba'y magsa-submit po kayo ng SOCE, Statement of Contribution and Expenditures,” pahayag pa ni Garcia, sa panayam sa radyo nitong Lunes.

“[Doon] po natin malalaman, ng sambayanan at ng Commission on Elections, saan galing ang pondong ginastos ninyo at paano ninyo ginastos ito sa mismong kahabaan ng kampanya. May natira ba? Nasaan ang sobra? At the same time, eh nagbayad ba sila ng tamang buwis doon sa mismong paggastos nila sa kampanyang ito?” dagdag pa nito.

Nabatid na sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act 7166, bawat kandidato at treasurer ng political party ay dapat na magsumite ng SOCE sa loob ng 30-araw matapos ang halalan.

Ang mga nanalong kandidato na mabibigong maghain ng kanilang SOCE ay hindi pahihintulutan ng Comelec na makaupo sa puwesto.