'Okay' at walang pag-aalinlangan ang kampo ni presumptive President Bongbong Marcos Jr. tungkol sa ilulunsad na non-government organization (NGO) ni Vice President Leni Robredo.
Sa panayam ng spokesperson ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, sinabi niyang karapatan naman ng lahat ng tao na mag-organisa basta't susundin lamang ang mga batas.
"Okay naman 'yun. Karapatan naman ng lahat ng tao mag-organisa at gumawa ng kung anumang layunin nila," ani Rodriguez sa panayam sa TeleRadyo nitong Lunes, Mayo 16.
“Basta yung amin, ‘yung ating mga kalayaan, may kaakibat na responsibilidad. For as long as you are exercising your rights within the bounds of the law, sa tingin ko rerespetuhin yan ng kahit na sinong demokratikong pamahalaan at pamumuno kagaya ni incoming president Bongbong,” dagdag pa niya.
"Respect the constitution, respect the laws and we will be okay. Now if you're violating the law under the constitution may kaakibat na responsibilidad dapat handa ka ring harapin kung anuman 'yon," aniya pa.
Noong Biyernes, Mayo 13, inanunsyo ni Robredo na ilulunsad niya ang Angat Buhay bilang non-government organization sa Hulyo 1 matapos ang kaniyang termino bilang bise presidente at unang araw ni Marcos bilang presidente ng bansa.