Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na pawang nakarekober na ang 14 na nahawaan ng Omicron sub-variant BA.2.12.1 na natukoy sa bansa kamakailan.
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lahat ng pasyente na kinabibilangan ng dalawang taga-Metro Manila at 12 taga-Puerto Princesa City, Palawan ay pawang fully vaccinated na at ni-require na mag-isolate sa loob ng pitong araw.
Ang mga kaso aniya sa Metro Manila ay kapwa local cases, habang ang mga kaso naman sa Puerto Princesa City, ay kinabibilangan ng 11 foreign travelers at isang local case.
“Lahat po ng na-detect na BA.2.12.1, nakakumpleto po sila ng isolation and they are now recovered,” ani Vergeire.
Ang mga turista aniya sa Puerto Princesa na dinapuan ng sub-variant ay mayroon ding booster shots habang ang dalawang kaso naman na mula sa Metro Manila ay nakatanggap na rin ng karagdagang dose ng bakuna.
Dahil dito, pinaalalahanan muli ni Vergeire ang mamamayan na huwag maging kampante at sa halip ay patuloy na maging maingat upang hindi dapuan ng Covid-19.