Dahil sa mga umiiral na patakaran sa bansa, at kawalan ng subsidiya ng gobyerno sa mga magsasaka, “imposibleng makamit” ang hangaring mapababa ang presyo ng bigas sa halagang P20 kada kilo.

Ito ang ipinaliwanag ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairman emeritus Rafael “Ka Paeng” Mariano sa isang panayam sa Teleradyo ngayong Lunes, Mayo 16.

Matatandaang umugong ang naturang usapin kasunod ng plano ni incoming President Bongbong Marcos Jr. na gawing P20-P30 na lang ang presyo ng bigas bawat kilo sa bansa.

“Sa balangkas at sa umiiral na batas na Rice Tariffication o Rice Liberalization Law imposible,” ani Ka Paeng.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dagdag niya, “Yung P20 per kilo sa balangkas ng mga patakarang neoliberal tulad ng umiiral na mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon… imposibleng makamit.”

Ipinunto din ng pinuno ng grupo ang magiging gampanin ng gobyerno sa produksyon ng palay upang tugunan ang iniindang mataas na halaga ng production cost.

“Ia-address mo yung presyo ng farm inputs eh. Meron kang subsidiya doon sa farm inputs--binhi, abono, at iba pa. At dapat ang farmgate price, ang presyo ng palay sa bukid, ‘pag inani ng magsasaka, eh yung competitive naman,” giit ni Ka Paeng.

Sa ganitong paraan aniya, ang matitipid na production cost ay maidagdag sa maaaring kitain ng mga magsasaka.

Dagdag ng grupo, dapat na itaguyod ng pamahalaan na magkaroon ng seguridad ng pagkain sa bansa sa pamamagitan ng pagsiguro na makakamit ang kasapatan ng food supply kabilang ang bigas.

Sa huli, iginiit ni Ka Paeng na bigyang prayoridad ng gobyerno ang ginagampanan ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng paghahabi ng mga batas na pabor para sa industriya.

“Hindi lang ‘to naka-address sa executive department. Naka-address din po ito sa legislative department, yung bubuo ng 19th Congress, kailangan pong mabago yung mga umiiral na patakaran natin sa pagkain at agrikultura sa bansa,” mensahe ni Ka Paeng sa incoming Marcos administration.

“Alam po ninyo napakahalaga ng sektor ng agrikultura, dapat tratuhin bilang mahalagang industriya. ‘Pag sinabi po nating mahalagang industriya, hindi lang po yung crop sector… kasama po diyan ang livestock, poultry, and fisheries kasi po kailangan natin tratuhin yung sektor at industriyang agrikultura natin bilang mahalagang base o pundasyon ng ating pambansang ekonomiya,” dagdag niya.

Muli ring hinamon ng grupo na ang pamahalaan na pigilan ang “paglipat-gamit” sa mga lupaing natatamnan ng mga agrikultural na produkto gayundin din ang puspusang pag-implementa ng mga batayang batas para mga magsasaka.