Si 'Jervi Li' o mas kilala bilang 'KaladKaren Davila' ang itinampok ni ABS-CBN news anchor-vlogger Karen Davila sa kaniyang latest vlog, na umere noong Mayo 14, 2022.

Masayang ibinida ni KaladKaren kay Karen ang kaniyang naipundar na condo unit na katas umano ng kaniyang pinagpaguran sa showbiz sa loob ng 5 taon, simula nang madiskrubre at maging viral siya sa panggagaya kay Karen, nang tumatawid siya sa isang ilog.

Pinatotohanan din ni Jervi na ang edukasyon ay daan sa pag-angat ng buhay ng isang tao dahil naranasan niya umanong 80 piso lamang ang baon noong nag-aaral siya ng Mass Communication sa UP Diliman. 50 piso ay nailalaan niya sa pamasahe habang 30 piso naman ay para sa pagkain.

Ipinangako raw niya sa sarili niya na kapag kumikita na siya nang malaki ay bibili siya ng sariling bahay dahil nakikitira lamang sila sa kaniyang lola noon.

Tsika at Intriga

Mark Andrew Yulo, naniniwalang babalik sa kanila ang anak na si Carlos

Isa sa mga ipinakitang bahagi ng kaniyang condo unit kay Karen ay ang kanilang kuwarto ng longtime boyfriend na si Luke Wrightson.

"Dito po, actually, bedroom siya sa araw, sa gabi hardin siya, kasi dito po 'ko dinidiligan," hirit ni KaladKaren na ikinawindang at ikinatawa naman ni Karen. Makikitang bagama't natawa rin si Luke ay hindi raw nito naintindihan ang sinabi ng kaniyang jowa.

Ibinida rin ni KaladKaren ang kaniyang mga pares ng sapatos. Noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz ay may nambash daw sa kaniya dahil iisang pares lamang ng de-takong na sapatos ang gamit niya.

Ipinangako raw niya sa sarili na kapag nakaluwag-luwag siya ay bibili siya ng maraming sapatos.

Malaki ang pasasalamat ni KaladKaren kay Karen Davila dahil kung hindi raw siya nito sinuportahan noon sa panggagaya sa kaniya, hindi raw niya maaabot ngayon ang kaniyang mga pangarap.