Binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ang 588 na pasyenteng nasa iba't ibang ospital sa bansa dahil huling naiulat na kritikal ang kanilang kalagayan dulot ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“Noong ika-15 ng Mayo 2022, mayroong 588 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,812 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, 438 (15.6%) ang okupado. Samantala, 17.5% ng 23,707 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ayon sa pahayag ng DOH nitong Lunes.

Kaugnay nito, pumapalo na lamang sa 160 kada araw ang average ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa bansa.

Sa lingguhang Covid-19 update ng ahensya, binanggit na mula Mayo 9-15, 2022 ay nasa 1,118 na bagong kaso ng sakit ang naitala.

Metro

Sa dami ng nagkakasakit: ER sa ilang ospital sa QC, puno na sa pasyente

Ang average ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 160, na mas mababa ng 0.3% kung ikukumpara sa mga kaso noong May 2 hanggang Mayo 8, ayon sa DOH.

Naitala naman ang16 na binawian ng buhay kung saan 10 ay naganap noong Mayo 2 hanggang 15.

Sa pinakahuling ulat ng DOH,mahigit sa 68 milyong indibidwal o 76.29% ng target na populasyon ang bakunado habang 13.6 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.