Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na maipoproklama na nila ang 12 na nanalong senador sa Mayo 18.

Sa Viber message ni Comelec Commissioner George Garcia sa mga mamamahayag, binanggit nito na bukod sa mga senador ay inaasahang maipoproklama rin nila sa Mayo 19, ang mga nangungunang party-list na nakatitiyak na ng puwesto sa Kamara.

Aniya, magagawa lamang nila ito kung darating sa bansa nitong Lunes, Mayo 16, ang certificates of canvass (COCs) mula sa Hong Kong.

Hindi rin niya matiyak ang pagdating sa bansa ng COCs mula sa China dahil ilang bahagi ng nasabing bansa ay isinailalim sa lockdown dulot ng Covid-19.

Paglilinaw ng Comelec, nakapagbilang na ang National Board of Canvassers (NBOC) ng kabuuang 159 na COCs, kabilang ang 9 COCs na dumating mula sa overseas absentee voting sa India, Laos, Pakistan, Hungary, Poland, Chile at Amman, Jordan, Syria at South Africa habang ang isa pang COC ay mula sa Persons Deprived of Liberty (PDLs).

Manggagaling naman ang 14 COCs sa 11 manual overseas voting, dalawang electronic COCs mula sa Hong Kong/China at Lanao del Sur at ang isa pang manual COC ay mula sa 63 na barangay. Aabot sa 173 ang kabuuang COCs, ayon pa sa Comelec.