Nakasiguro na ng pwesto sa konseho sa San Francisco, Agusan del Sur si Vanjune Napao matapos lumamang lamang ng isang boto kontra sa kalaban niyang si Carlito Tandog.
Idineklarang konsehal noong Mayo 10 si Napao matapos makakuha ng botong 12,333 at nakuha naman si Tandog ng botong 12,332, isang butas lamang ang nakapag-panalo kay Napao.
Sa Facebook post ni Napao, laking pasasalamat niya sa Panginoon at sa mga residente ng San Francisco na nagtiwala at sumuporta sa kanya. Hapon ng martes nang maiproklama ang mga bagong halal na kandidato sa Agusan del Sur.
"Katawhan sa San Francisco, Daghan kaaung salamat sa inyong pagsalig, pagsuporta, og panalangin kanako og sa tibook nakong pamilya! Sa tanang nag message og nag chat nga wala nako mareplyan tungod sa kadaghan, Daghan kaaung Salamat og pagsabot ninyo. Thank you San Francisco! (Para sa mga residente ng San Francisco, maraming salamat sa tiwala, suporta, at mga dasal niyo para sa akin at sa buong pamilya ko. Sa lahat ng nag-message at nag-chat na hindi ko na-replyan dahil sa sobrang dami, maraming maraming salamat sa pag-intindi niyo. Maraming Salamat San Francisco!)," ani Napao sa kanyang Facebook post.
Sa panayam kay Napao ng Radyo Pilipinas, DZRB 738 AM, sinabi niya na gusto niyang bigyan ng pansin ang mga kabataan na nalulong na sa mga bisyo. Kaya naman iminumungkahi ni councilor-elect na maglaan ng malaking pondo para sa sport fest para sa mga kabataan sa kanilang lugar upang malayo daw umano sa masamang gawain.
Aniya, madalas makita na nagce-cellphone na lang ang mga kabataan, na nakakaugalian na nila kaya gusto niyang bigyan ng pansin ang mga ito. Kung mag lulunsad siya umano ng sport fest, mas makakatulong ito sa mga kabataan na mahasa pa ang kanilang mga talento.
Dagdag pa niya na hindi siya masyadong kilala sa kanilang lugar pero halos araw-araw siyang naglalakad at naniniwala si Napao na inihalal siya ng mga residente sa kanila dahil sa mga programa na kanyang inilunsad.
Ang pagkapanalo ni Napao ang aniya'y nagpapatunay na bawat boto ay mahalaga.
Nagpapasalamat din siya sa lahat ng botente na bumoto sa kanya, na nagpapanalo daw sa kanya. Gayumpaman, nagpasalamat din siya sa mga hindi bumoto sa kanya at nangako na makakaasa pa rin sila sa kanyang serbisyo.
Hindi rin nagpahuli ng pasasalamat si Napao sa Panginoon na aniya ay siyang naglagay ng isang boto upang siya ay manalo. Dagdag pa ni Napao, ang Diyos ang siyang may alam kung sino ang karapat-dapat na malagay sa posisyon at makapag-lingkod nang tapat sa sambayanan.
Si Napao ay bahagi ng Team Gugma, sa pangunguna ni Grace Carmel Paredes–Bravo at Ryan Palabrica. Landslide ang pagkakapanalo nina Paredes–Bravo at Palabrica laban sa mga incumbent na sina Solomon Rufila at Loloy Ursos.
Nakakuha si Paredes-Bravo ng 23,853 na boto laban sa 15,729 ni Rufila, habang si Palabrica ay nakakuha ng 21,879 na boto laban sa 14,605 ni Ursos. — Karen Joy Sapico