Naipit man daw sa mabigat na daloy ng trapiko ng apat na oras, nakahabol naman si 'real-life Darna' at Kakampink celebrity Angel Locsin sa ginanap na pasasalamat ng Leni-Kiko tandem sa kanilang mga tagasuporta noong gabi ng Mayo 13 sa Ateneo de Manila University Bellarmine Field.
Pinasalamatan nina presidential candidate at Vice President Leni Robredo at running mate na si Senador Kiko Pangilinan ang kanilang mga tagasuporta at bumoto sa kanila. Inihayag na rin nila ang paglulunsad ng Angat Buhay NGO sa Hulyo 1.
"Thank you VP Leni for showing grace in defeat last night. A true leader indeed. Reminding us na isa sa mga ipinaglaban natin ay ang demokrasya. Magkaiba man tayo ng stand, we should honor democracy and listen to the majority bilang ka-isang bansa," ani Angel sa kaniyang Instagram post noong Mayo 14.
Sinabi ni Angel na 'rooting' siya sa mga nagwagi sa halalan magmula kay presumptive president at dating senador Bongbong Marcos, Jr. presumptive vice president at Davao City Mayor Sara Duterte, at sa mga senador.
"For our country’s sake, I’m rooting for our presumptive president, vice president, & senators. I’m hoping they’ll do better than our past leaders. I am a Filipino citizen hoping to be proven wrong. Masasabi ko hong ikakasaya ko ho kung mali kami at tama kayo," aniya.
May mensahe rin si Angel sa mga kapwa Kakampink na labis na nalungkot at nasaktan sa resulta ng halalan.
"I understand na minsan mahirap, kaya kapag tingin ninyong kaya n'yo na, ituloy ang 'radikal na pagmamahal'. Otherwise, hanggang slogan lang pala tayo kung ganun."
"Despite everything, saludo sa lahat ng tumindig. Hindi ko makakalimutan ang pagmamahal sa bayan na pinakita ninyo. Huwag hayaang mabalutan ng dilim ang liwanag na nasa puso ninyo. Ngayon, higit pa man, mas kailangan kayo ng bayan. Buksan ang inyong mga mata at puso para sa bayan."
"Kapag nalulumbay, pakinggan ang kantang 'Rosas' at alalahanin na hindi ka nag-iisa. Karamay mo kami. Salamat Nica Del Rosario, nasambit mo ang nararamdam ko. Napakaganda ng iyong pagkanta at pagkasulat."
"Maraming salamat po uli VP Leni sa inspirasyon. Happy for you that you’ll finally get to rest and spend time with your family. Goodluck po sa Angat Buhay Foundation!"
Masaya ring naki-groufie si Angel sa magkakapatid na Aika, Tricia, at Jillian Robredo, mga anak ni VP Leni.