Umalma ang dating chairman ng Commission on Elections (Comelec) at Presidential Commission on Good Government (PCGG) na si Andres Bautista sa pahayag ng tagapagsalita ni presidential frontrunner Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na si Vic Rodriguez na dapat managot ito sa naging resulta ng eleksyon noong 2016.
"Walang kaso na isinasampa ang gobyerno laban sa akin," paglilinaw ni Bautista sa isang panayam sa telebisyon nitong Linggo ng gabi.
Nilinaw ni Bautista na makauuwi naman siya sa bansa mula sa United States, gayunman, naging "magulo" ang sitwasyon dahil sa mga "personal issues."
Reaksyon lang ito ni Bautista sa naging pahayag ni Rodriguez na dapat na umuwi na ito sa Pilipinas upang mapanagot sa kinalabasan ng 2016 elections.
Paniwala ni Bautista, ang naging pahayag ni Rodriguez ay tugon sa nawawalang Picasso painting na, "Reclining Woman VI," na nabistong nasa bahay ni dating First Lady Imelda Marcos nang bisitahin ito ni Marcos, Jr. matapos manalo sa May 9 elections.
Nauna nang inihayag ni Bautista na tinatayang aabot sa P8 milyon ang nasabing painting kapag ibinenta.
Nangangamba rin si Bautista na maaaring buwagin ang PCGG kapag nakapanumpa na si Marcos sa pagka-presidente.
Nitong nakaraang Marso, tiniyak ni Marcos na hindi nito lulusawin ang PCGG at sa halip ay palalakasin pa ito ng kanyang administrasyon.