Sa halip na bumili, magrerenta na lang umano ang Commission on Elections (Comelec) ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa susunod na halalan sa bansa.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Linggo na bukod sa kakulangan sa pondo na inilalaan sa kanila ng Kongreso, isa pa sa ikinukonsidera nila ay ang mabilis na pagbabago at pagtaas ng teknolohiya.

"Kasi pag bumili tayo tapos after isang gamit ay may bago na namang teknolohiya — parang cellphone, e ‘di ang mangyayari dun ibabalewala mo. Masyadong magastos," anito.

Matatandaang sinabi ng Comelec na wala na silang plano pang gamitin sa susunod na halalan ang mga VCMs na ginamit nitong May 9 polls.

Iniulat rin ng Comelec na nasa 1,867 VCMs ang nagkaaberya nitong nakalipas na eleksyon.

Paliwanag naman ni Comelec acting spokesman John Rex Laudiangco, sobrang luma na ang mga makina na unang ginamit noong 2010 polls.

Pinasaringan din naman ni Garcia ang Kongreso sa pagbibigay sa kanila ng mababang pondo kumpara sa kanilang hinihingi para sa mas mataas na teknolohiyang halalan.

"Sana nandun yung pagnanais ng ating kongreso na mabigyan din kami ng sapat na budget. Alam niyo po yung nangyari kasi nung nakaraan kung kami ay humihingi ng sampung piso, binibigyan kami ng dalawa o tatlong piso, so kitang-kita niyo ‘yung difference ng kakulangan," aniya pa.