Naglabas ng saloobin si Kapuso diva Aicelle Santos ukol sa naganap na botohan at sa lumilinaw na resulta nito.
Dismayado ang singer sa mga naiulat sa iregularidad noong Mayo 9, mababasa sa kanyang Facebook post ngayong Linggo.
Matatandaang naging malaking aberya sa ibang presinto ang mga palyadong vote counting machines (VCMs) bukod sa iba pang mga kinaharap na isyu noong araw ng halalan.
Sa lumilinaw na resulta ng eleksyon kung saan itinuturong panalo ang UniTeam tandem nina dating senador Bongbong Marcos Jr. at Davao City Mayor Inday Sara Duterte, kinikilala ng singer ang aniya’y “boses ng mayorya.”
“Hindi man rosas ang napili ng nakararami, pinukaw mo rosas ang masidhing damdamin para sa bayan, at mananatili ito,” mababasa sa Facebook post ni Aicelle.
Dagdag na pahayag niya sa mga naluklok na opisyal ang “dalangi'y tuwid at tapat na serbisyo ninyong ipinangako. Nandito ang bayan, susunod habang nagbabantay. Gagawa ng tama ngunit pupunahin ang mali.”
Aniya pa, magiging gabay ang kasaysayan para sa tinatamasang kasalukuyang kalayaan.