Posibleng iproklama sa Martes, ang 12 na nanalong senador at ilang nanalong party-list group sa nakaraang May 9 national elections, ayon sa pahayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.
Binanggit ni Comelec Commissioner George Garcia sa isang panayam sa telebisyon, kung makukumpleto ang pagbilang sa natitirangCertificates of Canvass (COCs) ngayong Linggo ay posibleng matapos ang paghahanda para sa proklamasyon sa susunod na araw.
Sa 173 na COCs, umabot na sa 149 ang nabilang nitong Sabado. Ang natitira pang COCs ay binubuo naman ng19 manual overseas COCs, isang manual COC sa Vulnerable Sector Office, isang manual COCs sa 63 barangays, isang electronic COC sa Lanao del Sur, isa ring electronic overseas COC sa Hong Kong, at isa pang electronic COC sa Jordan.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi lahat ng COCs ay darating sa Mayo 15 dahil magsasagawa pa lamang ng special election ang Lanao del Sur sa Mayo 24 kasunod nang pagdedeklara ng failure of elections sa 14 barangay sa lalawigan.
“Anytime sa pagtingin namin ay sapat na ‘yung bilang ng mga boto na nakuha ng mga kanididato at hindi na makakaapekto ‘yung mga natitirang result kahit na hindi pa napapadala ang COC, puwede po kaming magkaroon ng proklamasyon, kasama ‘yung party-list,” paglalahad ni Garcia.
Nangunguna pa rin ang aktor na si Robin Padilla matapos makakuha ng 23,908,730 boto batay na rin sa partial at official canvassing results sa pitong rehiyon at overseas voting ng National Board of Canvassers nitong Biyernes.
Nasa siyam na party-list group naman ang nakakuha ng puwesto sa Kamara, ayon na rin sa partial, official tally ng Comelec nitong Huwebes.