Inilabas na ng gobyerno ang aabot sa ₱1.081 bilyong kabayaran ng mga healthcare workers (HCWs) at non-HCWs na nahawaan at namatay sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa gitna ng pandemya.
Ito ang inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Linggo at sinabing saklaw ng naturang benepisyo ang mga nagtatrabaho sa pribadong ospital.
Paliwanag ng DBM, ang mga HCWs at non-HCWs na nakaranas ng mild o moderate Covid-19 infection ay makatatanggap ng ₱15,000.
Makatatanggap naman ng ₱100,000 kabayaran ang mga HCWs at non-HCWs na nakaranas ng severe o critical Covid-19.
Aabot naman sa ₱1 milyon ang matatanggap ng pamilya ng mga HCWs at non-HCWs na binawian ng buhay habang tinutupad ang kanilang tungkulin.
“The identification of COVID-19 classification of eligible HCWs and non-HCWs shall be based on the criteria set by the health department under DBM-DOH Joint Circular No. 2022-0002.The funds were charged against the regular budget of the DOH under the FY 2022 General Appropriations Act. Thus, the compensation will be transferred by the Department of Health to DOH-retained and corporate hospitals, DOH Treatment and Rehabilitation Centers, and Centers for Health Development, among other attached agencies and institutions,” ayon pa sa DBM.