Ibinahagi ng komedyante at Kakampink na si K Brosas na sinusuportahan niya ang planong 'Angat Buhay NGO' ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo, ayon sa kaniyang anunsyo kagabi, Mayo 13, sa naganap na pasasalamat ng Leni-Kiko tandem sa vicinity ng Ateneo De Manila University sa Quezon City.
Sinabi ni VP Leni na hindi lamang natatapos sa halalan at termino bilang pangalawang pangulo ang kaniyang serbisyo-publiko, bagay na ikinagalak naman ng mga nagsipagdalo at online attendees na Kakampink.
Nagbigay rin ng comforting words ang presidential candidate sa mga Kakampink na damhin lamang ang sakit na naramdaman dulot ng halalan, subalit huwag bumabad dito at patuloy pa ring kumilos upang i-angat ang buhay ng mga Pilipino. Kaya naman, napagpasiyahan niyang ipagpatuloy ang kaniyang programa lalo't lumitaw ang volunteerism spirit sa panahon ng kampanya, kaya nabuo ang 'Pink Movement'.
Magsisimula na raw ito sa Hulyo 2022 at walang pipiliing tutulungan.
Suportado naman ito ng celebrity Kakampink na si K Brosas na kilalang game sa pagsagot sa bashers at trolls, gayundin sa pagsama niya sa pangangampanya para sa Leni-Kiko tandem.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/14/k-brosas-pumalag-sa-makulit-na-bashers-trolls-mangisay-kayo-na-dimunyu-lol/">https://balita.net.ph/2022/05/14/k-brosas-pumalag-sa-makulit-na-bashers-trolls-mangisay-kayo-na-dimunyu-lol/
Naging viral pa nga ang pagkasa niya sa 'shot puno' o pagtagay nang minsang magbahay-bahay sila.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/02/k-brosas-naki-karaoke-tagay-at-muntik-nang-magtampisaw-habang-kinakampanya-ang-tambalang-leni-kiko/">https://balita.net.ph/2022/05/02/k-brosas-naki-karaoke-tagay-at-muntik-nang-magtampisaw-habang-kinakampanya-ang-tambalang-leni-kiko/
At dahil maraming humiling sa kaniya na mag-shot puno, muli siyang nagpasampol.
"Gusto ko lang sabihin sa inyo na susuportahan ko po yung NGO ni VP Leni, yung Angat Buhay, susuportahan ko po kayo," sey ni K. Maya-maya, inilabas na niya ang 'shot puno' at itinungga ito.
"Sa gobyernong tapat, mapapa-shot puno ka pa rin talaga," natatawang sabi ni K sa kaniyang video na ibinahagi niya sa kaniyang tweet noong Mayo 13.
Habang isinusulat ito ay trending na sa Twitter ang AB NGO o Angat Buhay NGO.