Naglipana agad ang ilang online private groups kasunod ng anunsyo ni Vice President Leni Robredo ukol sa pagtatayo ng Angat Buhay Foundation, isang non-government organization (NGO), bagay na pinabulaanan ng kampo ng bise.

Isang paalala ang inihayag sa Facebook ng kampo ni Robredo para sa paglalatag ng Angat Buhay sa Hulyo 1.

“Paalala po sa lahat na tumutok lamang sa VP Leni Robredo Page para sa mga opisyal na anunsyo at iba pang detalye ukol sa Angat Buhay NGO,” mababasa sa opisyal na Facebook page ni Robredo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dagdag nito, “Habang nag-aabang po ng mga susunod na anunsyo at detalye, pinaaalalahan din po ang lahat na maging maingat at mapanuri sa mga iba't ibang nagpapakilala bilang bahagi ng NGO at tumutulong sa pagkalap ng pondo para rito.”

Mababasa naman ang isang komento kaugnay ng lumitaw umanong mga private groups na nagpapakilalang ito ang ganap na online formations para sa NGO.

“May I ask po na labas na po ba ng official page ang Angat Buhay NGO? May sinalihan na po ako just make sure if legit. Salamat po sa sasagot,” tanong ng isang netzien.

“Sa ngayon po, wala pa pong official social media pages ang Angat Buhay NGO. Tutok lang po sa VP Leni Robredo FB Page para sa updates. Salamat po!” tugon ng kampo ng bise.

Sa ngayon, agad na mapapansin ang nag-uumapaw na suporta ng ilang pribadong mamamayan para sa pagbuo ng volunteer network na tinawag ni Robredo na pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

Matatandaang unang umusbong ang pagbabayanihan ng mga tagasuporta ni Robredo sa loob ng tatlong buwang kampanya para sa halalan.

Nangako rin si Robredo na susugpuin nito ang malawakang makinarya ng disimpormasyon bilang bahagi isa sa kanyang mga programa.

Bukas naman ang kampo ni Robredo para sa ilang suhestiyon ng publiko kaugnay ng pagtatayo ng NGO na maaaring ipadala sa [email protected].