Namataan sa bahay ng dating Unang Ginang na si Imelda Romualdez-Marcos ang₱8 bilyongpainting na obra-maestra ng kastilang si Pablo Picasso, ayon kay dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Commissioner Andy Bautista.
Ang nasabing pamosong painting na Femme Couche VI ay napansin ng mga netizen sa isang litrato ni presumptive president Ferdinand Marcos, Jr. nang bumisita sa bahay ng ina kamakailan.
Paliwanag naman ni Bautista, kabilang lamang ito sa mga paintings na iniutos ng PCGG na samsamin noong 2014 matapos mapatunayang galing sa ill-gotten wealth ang pinambili nito.
"Ang pinakamahalagang painting ni Picasso ay naibenta ng $155 million. So more or less mga P8 billion ang isang painting na ito.Now siyempre hindi natin alam kung anong kalidad ‘no, anong klase ‘no pero talagang ito si Pablo Picasso, isa sa mga talagang Masters and talagang napakahalaga nitong painting na ito,” dugtong ni Bautista sa isang television interview nitong Biyernes.
Nagulat din aniya ito nang makita ang nasabing painting sa kumakalat na litrato ng dating unang ginang.
Kabilang aniya ito sa nawawalang 156 paintings sa pamilya Marcos na dapat ay nasa pangangalaga na ng gobyerno..“I left PCGG in 2015. Pero nung pag-alis ko dyan, ang naaalala ko, is that meron pang 156 paintings na missing na kailangan pang habulin,” paliwanag ni Bautista.
“Sana bigyan ng pansin ng mga namumuno ngayon ng PCGG, ng ating Office of the Solicitor General, kunin na natin ‘tong painting na ‘to habang meron pang panahon.At maliban dyan Johnson, alam mo yung mga alahas na nakabinbin…napakahalaga nung mga alahas na ‘yan. At yang mga alahas na yan ay again pag-aari ng taumbayan kung kaya’t dapat nating protektahan at siguraduhin na ang mga alahas na ‘yan at kung yan man ay ibebenta ay dapat ibalik ang nakaw na yaman na ‘yan sa ating kabang bayan,” pagdidiin pa ni Bautista.
Wala pang inilababas na pahayag ang pamilya Marcos kaugnay ng usapin.