Nagbabala ang Department of Health (DOH) nitong Biyernes sa posibleng pagdagsa ng mga pasyente sa mga ospital sa Metro Manila dahil na rin sa naitalang 14 kaso ng Omicron sub-variant BA.2.12.2 sa bansa.

Paliwanag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, posibleng makapagtala ang bansa ng mula 1,124 hanggang 1,954 na coronavirus ICU (intensive care unit) patients sa pagsapit ng Hulyo 31 dahil sa inaasahang paglaganap ng nasabing sub-variant kung aabot lamang sa 500,000 doses per month ang booster shot sa Pilipinas.

Ginamit na batayan ni Vergeire ang inilabas na pagtaya ng Australian Tuberculosis Modelling Network (AuTuMN) Team kamakailan.

Idinahilan din nito na umabot sa 1,272 na pasyente ang tinanggap sa ICU nang magkaroon ng Delta variant surge noong nakaraang taon.

Eleksyon

Comelec, nagsalita tungkol sa source code na nasa ACM

"Pinupunto lang po ng ating latest projections ang kahalagahan ng minimum public health standards at ang pagpapabilis ng pagpapabakuna, hindi lamang ng booster doses kundi pati na rin po ang primary series.Kailangan natin ito upang mapigilan ang further transmission at ma-mitigate natin ang potential risk kung magkakaroon ng bagong variants of concern," aniya.

Aniya, posible ring umabot sa pagitan ng5,512 at 9,871 pasyente ang ia-admit sa mga ospital sa pagsapit ng Hulyo.

Nakapagtala na ang bansa ng dalawang kasong nabanggit na sub-variant sa Metro Manila. Bukod pa ang 12 na kaso sa Puerto Princesa City sa Palawan.

Unang naitala sa Baguio City ang pagsulpot ng naturang sub-variant matapos hawaan nito ang isang babaeng taga-Finland nitong nakalipas na buwan.