Ibinahagi ng aktor at komedyante na si Michael V. o mas kilala bilang “Bitoy” ang isang tula na kung saan tinatanggap niya ang pagkapanalo ng “kulay pula” sa halalan.
Gamit ang tila matatalinhagang mga salita, malugod na tinatanggap ng aktor ang pagkapanalo ng kulay pula-- kulay na nirerepresenta ni presumptive President Bongbong Marcos, Jr. noong kampanya.
Sa tula rin isiniwalat ni Bitoy na tila isa rin siyang kakampink o taga suporta ni Vice President Leni Robredo.
"Kulay PULA ang nanalo. Oo, tanggap ko na ito.
Kahit PINK ang dugo ko mananaig ang RESPETO.
Lahat kayo na bumoto at nagluklok sa kanya sa trono
Kayo ang boses ng Pilipino kaya mananahimik na ‘ko," saad niya sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Mayo 13.
"Hindi politiko kundi hamak na artista.
Larawan at tula; ‘yan lang ang hawak kong sandata.
Wala akong ambisyon na mamulitika.
Baka manalo lang ako, hala, naloko na!
"“Comedy at entertainment” hanggang do’n lang ang ambisyon.
Hindi “puwesto sa gobyerno” kundi “time slot sa telebisyon”.
Ito ang mundo ko sa mahigit tatlumpung taon
At wala ‘kong dahilan na baguhin ‘yon ngayon.
"Lahat ng may gusto nito, ito mismo ang makukuha n’yo.
Pero hindi ako bulag at dalawa ang mata ko:
Isang mata sa bayan at isang mata sa ‘yo.
Susundin ko ang gobyerno kahit hindi kita ‘binoto."
Sa dulong bahagi ng kaniyang tula na mag-move on na at huwag na umano maghanap ng butas.
"Sige na, move on na. ‘Wag nang maghanap ng butas.
Ang trabaho n’yong naiwan naghihintay pa rin ‘yan bukas.
Ngayon alam na natin kung sino lang ang malakas,
Mabuhay ang bagong Pangulo ng Pilipinas," saad ni Michael V.
Naging matunog sa pangalan ni Bitoy noong Mayo 9 dahil sa kaniyang post na nakaboto na siya.
"Best of luck to our next president… whoever she may be," aniya na haka-haka ng mga netizens ay isa siyang kakampink.