Nag-react ang New York Times bestselling authorna si Neil Gaiman sa isang tweet tungkol sa umano’y pagrered-tag sa Adarna House.
Niretweet ni Gaiman ang isang tweet ng isang news outlet tungkol sa umano’y pagrered-tag sa local publisher na Adarna House.
“Not good,” maikling tweet ng British writer. Kilala si Gaiman sa kaniyang mga fantasy novel at science fiction story. Kabilang sa kaniyang mga bestselling books ay ang American Gods (2001), Neverwhere (1995), Stardust (1999), and Coraline (2002).
Noong Miyerkules, Mayo 11, inanunsyo ng Adarna House na magbibigay sila ng 20% discount sa mga librong pambata na patungkol sa Martial Law.Kabilang dito ang "Ito ang Diktadura" ni Equipo Plantel, "EDSA" ni Russell Molina, "Isang Harding Papel" at "Si Jhun-Jhun, Noong Bago Ideklara ang Batas Militar" ni Augie Rivera, at "The Magic Arrow" ni Bolet Banal.
Umabot ang balitang ito kay National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Alex Paul Monteagudo at sinabi niyang nira-radicalize ng Adarna House ang mga batang Pilipino laban sa gobyerno.
“This is how the CPP/NPA/NDF radicalize not just our youths, but our children. The Adarna Publishing House published these books and they are now on sale to subtly radicalize the Filipino children against our Governement, now!” saad ni Monteagudo sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 12.
Gayunman, kinondena ng author ng “Si Jhun-Jhun, Noong Bago Ideklara ang Batas Militar” na si Augie Rivera ang mga paratang at alegasyon ni Monteagudo.
“Mariin kong kinokondena at itinatanggi ang mga paratang at alegasyon na isinasaad sa Facebook post sa ibaba. Wala akong kahit anong koneksyon sa mga grupong nabanggit,” ani Rivera sa isang Facebook post.
“At isinulat ko ang librong “Si Jhun-Jhun, Noong Bago Ideklara ang Batas Militar” noon pang 2001, bilang bahagi ng 5-book series na “Batang Historyador” na pinublish ng Unicef Philippines at Adarna House. Bilang ‘historical fiction,” tampok dito ang mga kuwento ng pakikipagsapalaran at pagkamulat ng mga kabataan at mahahalagang pangyayari at aral ng ating kasaysayan,” dagdag pa niya. May kalakip din itong #NoToRedTagging.