Epektibo na ngayong Huwebes ang toll hike sa Manila-Cavite Toll Expressway (Cavitex) at maging sa North Luzon Expressway (NLEX).
Base sa bagong toll matrix ng Cavitex, P33 na ang bayad para sa Class-1 vehicles na dating P25 lamang habang P67 naman para sa Class-2 vehicles na dating P50 lang.
Nasa P100 naman ang taas ng toll rates para sa mga Class-3 vehicles na dating P75 lang ang toll fee.
Samantala, ayon naman sa NLEX Corp., na siyang operator ng NLEX, tataasan ng P2 ang kanilang toll sa open system at P0.34 naman kada kilometro sa closed system.
Sa ilalim ng adjusted toll rates, ang mga motoristang bumibiyahe sa loob ng open system ay kailangang magbayad ng karagdagang P2 para sa Class 1 vehicles (regular cars at SUVs), P6 naman para sa Class 2 vehicles (buses at small trucks), a P8 para sa Class 3 vehicles.
Nabatid na ang open system ay mula sa Balintawak, Caloocan City hanggang Marilao, Bulacan habang sakop naman ng closed system ang bahagi sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kabilang ang Subic-Tipo.
Ang mga bibiyahe naman sa NLEX end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City ay magbabayad ng karagdagang P27 para sa Class 1, P69 para sa Class 2 at P82 para sa Class 3 vehicles.
Una nang sinabi ng Cavitex management at ng NLEX Corp., na ang pagpapatupad nila ng toll hikes ay kasunod nang pag-apruba dito ng Toll Regulatory Board (TRB).
Sinabi naman ng Cavitex na upang makatulong sa mga PUV, lumang toll rate na muna ang sisingilin sa kanila sa loob ng tatlong buwan.
"To help cushion the impact of the toll increase, public utility jeepneys (PUJs) under the NLEX Passada and Tsuper Card discount and rebate program will continue to enjoy the old rates,” ayon naman sa NLEX Corp..
“Provincial buses will also be covered by a graduated rebate scheme for a period of three months,” anito pa.
Tiniyak naman ng tollway company na ang naturang ipatutupad na adjustments ay tumatalima sa regulatory procedures at sumailalim sa masusing pagrepaso.