Sa lahat na yata ng mga naging halalan, hindi na nawala ang mga sikat na celebrity na piniling tumakbo at kumandidato para sa isang partikular na posisyon sa gobyerno. May ilang mga nagtatagumpay, subalit may ilan din namang medyo kinulang ng boto kaya hindi pinalad na maluklok.
Nitong nagdaang Mayo 9 kung kailan naganap ang halalan, marami sa mga sikat na celebrity ang talaga namang nagtagumpay na maluklok sa kanilang hinangad na puwesto.
Isa na nga riyan ang panggulat na si senatorial candidate at action star Robin Padilla na siyang nanguna sa partial at unofficial election results sa top 12 ng pagkasenador, bagay na hindi rin daw niya inasahan, dahil sa kawalan ng pera at makinarya para sa kampanya. Pasok din sa top 12 ang muling nagbabalik-senadong si Jinggoy Estrada, at ang journalist-broadcaster na si Raffy Tulfo.
Sa pagiging Congressman, wagi sina Arjo Atayde ng 1st District ng Quezon City, outgoing Ormoc City Mayor Richard Gomez ng Leyte na kapalitan naman ang misis na si Lucy Torres bilang mayor ng Ormoc City sa Leyte, Jolo Revilla sa 1st District ng Cavite, at Lani Mercado sa 2nd District ng Cavite.
Para naman sa pagkagobernador, muling naihalal si Daniel Fernando sa Bulacan, at ang running mate niya na si Alex Castro ay bise gobernador ng parehong lalawigan. Wagi rin si Ejay Falcon sa Oriental Mindoro.
Para naman sa pagkakonsehal o councilor, nariyan sina Nash Aguas ng Cavite City, Jhong Hilario ng Makati City, Angelu De Leon ng Pasig City, Aiko Melendez ng Quezon City, James Yap ng San Juan, Alfred Vargas ng Quezon City, Jomari Yllana at Vandolph Quizon ng Parañaque City.
Para naman sa pagkamayor, nanalo ang anak ni Albee Benitez na si Javi Benitez sa Victorias, Negros Occidental, at syempre ang reelectionist na anak nina Vic Sotto at Coney Reyes na si Vico Sotto ng Pasig City.
Nagwagi naman sa pagka-board member si Jason Abalos sa Nueva Ecija at si Karla Estrada naman bilang representative ng Tingog kasama sa top 10 ng mga partylist.