Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ng kampo ni businesswoman Janet Napoles at anim pang akusado sa kasong graft kaugnay ng umano'y pagkakasangkot sa pork barrel fund scam noong 2007.

Sa limang pahinang resolusyon ng anti-graft court na may petsang Mayo 11, ibinasura nito ang motion for leave of court to file demurrer na isinampa ng mga abogado ni Napoles, at mga opisyal ng binuwag na Technology and Livelihood Research Center (TLRC) na sina group manager Maria Rosalinda Lacsamana at deputy director general Dennis Cunanan, dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos at staff nito na sina Rosario Nunez, Laline Paule, at Marilou Bare.

“The Court finds unwarranted the pleas of the accused for leave to file demurrer to evidence. Following a careful study of the evidence on record, both testimonial and documentary, the Court rules that these are prima facie sufficient for the conviction of the accused of the crime charges in the information filed, unless successfully contradicted by defense evidence,” ayon sa korte.

Isinasampa ng akusado ang demurrer to evidence na humihiling sa hukuman na ibasura ang kinakaharap na kaso batay na rin sa kawalan ng sapat na ebidensya ng prosecution panel.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Bukod kay Napoles, kasama rin sa kaso ang namayapa na si Davao del Sur Governor Douglas Cagas.

Isinasangkot sa kaso si Cagas nang matuklasang nagkaroon umano ng anomalya sa paggamit nito ng P8 milyong pondo ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong kongresista pa ito ng lalawigan.

Ang nasabing pondo ay ibinigay sa mga non-government organizations (NGOs) na pag-aari ni Napoles.

Pinili rin umano ni Cagas ang TLRC bilang implementing agency ng mga proyekto nito na pakikinabangan sana ng mamamayan sa nasabing lalawigan.

Kamakailan, inihayag ng Office of the Ombudsman na kuwestiyunable ang mga proyektong kinasasangkutan ng mga akusado dahil inaprubahan lamang ang requirements sa loob ng 24 oras.

PNA