Inaasahang magkaroon ng proklamasyon ang Commission on Elections (Comelec) sa linggong ito sa mga nanalong kandidato para national positions kahit pa magdaos ng special elections sa Lanao del Sur.
Ito ang inihayag ni Comelec acting Spokesman John Rex Laudiangco sa isang television interview nitong Miyerkules ng gabi.
Pag-aaralan aniya ng Comelec kung magkaroon ng epekto ang magiging resulta ng boto sa gaganaping special elections dahil kung wala ay tuloy na tuloy ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
“Will it affect the votes? kung hindi makaaapekto ang vote ng precincts na ‘to…pinapayagan po ng batas na mag-proclaim. same rin po sa local, kung hindi makaaapekto sa local positions proclamation could proceed ganon din po sa national. Importante, i-a-add pa rin po natin sa total count and the total canvass," lahad nito.
Kaugnay nito, tiniyak ng Comelecna walang botanteng madi-disenfranchise sa mga lugar na nagdeklara ng failure of elections dahil sa iba’t ibang dahilan, katulad ng mga naitalang karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Isa aniya sa pangunahing layunin ng pagdaraos ng special elections sa mga lugar na nabigong magdaos ng halalan ay matiyak na naibigay sa mga botante ang kanilang mga karapatan na makaboto.
“The first goal is to ensure that no voter will be disenfranchised kaya nga magka-conduct tayo ng special elections dyan. Now as to whether or not those votes in the precinct will affect 'yun pong elections whether 'yun pong local elections there it has to be determined still. Depende kasi yan sa total number of registered voters at depende 'yan sa total number of registered voters at current state ng canvassing doon sa lugar na 'yun. But definitely all voters cannot be disenfranchised," aniya.
Kabilang sa isasailalim sa special elections ang mga barangay sa Butig, Binidayan at Tubaran.
Gayunman, wala pang itinakdang petsa ang Comelec para sa pagsasagawa ng special elections.