Makatatanggap ng dagdag na honorarium ang mga guro na nag-overtime sa nakaraang May 9 national elections, ayon sa pahayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes.
Sa isang pulong balitaan, binanggit ni Comelec acting spokesman na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na bibigyan ng additional honoraria ang mga guro at electoral board dahil ginawa na rin ito noong 2019 elections.
“Sa ating mga bayaning guro at mga electoral boards, huwag kayong mag-alala. Hindi po ito first time na nagbigay ang Comelec ng additional honoraria, it’s not necessarily overtime pay but additional honoraria,” ani Laudiangco.
“Ginawa na po natin ito noong 2019 para doon sa mga electoral boards na talaga pong nagsilbi ng higit sa oras para matapos. Sa atin pong electoral boards huwag po kayo mag-alala, ip-proseso po ito ng Comelec gaya din noong ginawa natin noong 2019,” sabi nito.
Aniya, maibibigay nila ang karagdagang bayad sa loob ng 15 araw mula nang isagawa ang halalan nitong Mayo 9, alinsunod na rin sa umiiral na Electoral Service Reform Act.
“Pero makakaasa po ang ating electoral boards, ayon po kasi sa Electoral Service Reform Act dapat ang honoraria maibigay namin within 15 days from the day of elections.Sisiguraduhin ng Comelec na mabibigay ito sa kanila within the timeframe allowed by law. Absolute po yan. Wala pong excuses at gagawin po namin ‘yan,” dagdag pa ni Laudiangco.
Mahigit sa 640,000 tauhan ng Department of Education (Deped) ang nagsilbing poll workers nitong Eleksyon 2022.