Hindi man pinalad na makapasok sa magic 12 ng Senado, taos-puso pa ring nagpasalamat ang dating presidential spokesperson na si Harry Roque. 

Nagpasalamat si Roque sa 11 milyong Pilipino na bumoto sa kaniya.

"Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa mahigit 11 milyong Pilipino na naniwala at nagtiwala po sa akin. Hindi man po tayo pinalad na makapasok sa Senado ngayon ngunit nakakataba po ng puso ang binigay ninyong suporta at sa patuloy na pagsuporta. Labis-labis po ang pasasalamat ko sa inyo lalung-lalo na po ang mga tumulong sa aking kampanya," ani Roque.

Pinasalamatan din niya ang kaniyang mga staff na tumulong sa kaniyang pangangampanya.

"Lubos na pasasalamat din po sa aking social media team, sortie team, campaign volunteers, media bureau at sa lahat ng aking staff dahil hindi po magiging posible ang pangangampanya kung wala kayo at naging maganda po ang ating laban sa tulong niyo na rin," anang dating spokesman.

Kahit na hindi nakapasok sa Top 12, ay patuloy pa rin umano siyang ipaglalaban ang karapatang pantao.

"Ngayon, patuloy lang ang aking adbokasiya na ipaglaban ang karapatang pantao at mananatili po tayong spokesman ng bayan. Muli po, maraming salamat sa inyong lahat!"

Kasalukuyang nasa 17th spot si Roque na may 11,045,733 votes base sa partial at unofficial count ng Comelec Transparency Media server.

Kumandidato na ring noong 2019 midterm elections si Roque ngunit siya ay nagwithdraw dahil sa isang sakit na unstable angina coronary disease na maaaring humantong sa heart attack. 

Kalaunan ay itinalaga siya bilang spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte.