Niregaluhan ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap ang 92-anyos na si dating first lady Imelda Marcos ng mamahaling rubber shoes.

Ayon kay Yap, niregaluhan niya ng sapatos si Imelda para hindi siya makalimutan nito.

"So ayun na nga, magkikita raw kami, so sabi ko— gusto ko sya regaluhan ng sapatos, pero gusto ko yung kahit 92 years old na sya, hindi nya ako makakalimutan, binigyan ko sya ng jordans," aniya sa isang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 12.

Kabilang sa post niya ang tatlong larawan na kung saan makikita na tila napa-wow ang dating first lady.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi rin pinalampas ng direktor ang mga mistulang "mainstream media" caption sa tuwing siya ay nababalita.

"Mainstream Media Caption: Problematic Director Darryl Yap niregaluhan ng Jordans ang Dating First Lady Imelda Marcos, katuwang ni Ferdinand Marcos Sr, sa kanilang Conjugal Dictatorship," ani Yap.

Si Darryl Yap ay kilala bilang manunulat at direktor sa VinCentiments. Kabilang sa mga sikat na gawa niya ay ang Len-len series na kung saan pinagbidahan ito ni Senador Imee Marcos.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Imee sa mga sumuporta sa kaniyang kapatid na si presumptive president Bongbong Marcos Jr.

“Bilang panganay, hayaan ninyo akong ipaabot ang pasasalamat ng aming pamilya. Mula sa nanay ko, kay Irene, at siyempre kay Bongbong. Alam n’yo naman ang ate, bilang kampeon ng barangay lalo na ng sining at kultura, hindi kayo iniwan mula sa kampanya hanggang ngayon na patapos na ang bilangan ng boto,” saad ni Imee sa kaniyang video message na inupload sa page ng VinCentiments nitong Miyerkules, Mayo 11.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/12/sen-imee-marcos-nagpasalamat-mula-noon-hanggang-ngayon-marcos-pa-rin/