Kaagad na naglabas ng opisyal na pahayag ang kasalukuyang Secretary ng Department of Education (DepEd) na si Leonor Briones, kaugnay ng sinabi ni presumptive president Bongbong Marcos na ang running mate at presumptive vice president na si Davao City Mayor Sara Duterte ang posible niyang italaga bilang DepEd Secretary kung sakaling magiging opisyal na ang kanilang pag-upo bilang presidente at bise presidente.

Ayon sa maiksing panayam ni BBM sa media, ang priyoridad niya ngayon kung sakali, ay kung sino-sino ang mga mauupo sa kaniyang gabinete. Nakausap na raw niya si Duterte tungkol dito at mukhang pumayag naman itong pamunuan ang sektor ng Edukasyon. Batid umano ni Marcos ang bigat ng trabaho ng pagiging kalihim nito.

Kinagabihan ng Mayo 11 ay agad na naglabas ng opisyal na pahayag si DepEd Sec. Briones.

"Malugod kong tinatanggap ang anunsiyo ni Presidential frontrunner Bongbong Marcos na ang papasok na Bise Presidente na si Sara Duterte ay inaasahan na maninilbihan bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon," saad ni Briones na ang orihinal na teksto ay nasa wikang Ingles.

"Handa ako at ang buong pamilya ng DepEd na magtrabaho kasama ang kaniyang grupo para sa maayos na transisyon ng pamumuno sa DepEd. Gagawin natin ang turnover ng Basic Education Plan 2030, na siyang kauna-unahan sa isang papatapos na administrasyon na mag-iiwan ng medium-term plan."

Larawan mula sa DepEd

"Kampante tayo na ang DepEd ay mapapangasiwaan ng mga mahuhusay at makakaasa sa pagpapatuloy."