Pinuputakti umano ngayon ng kritisismo ang Kapamilya actress at first time voter na si Andrea Brillantes dahil umano sa mga binibitiwan niyang pahayag sa social media laban sa resulta ng naganap na halalan, sa pangunguna nina presidential candidate at dating senador Bongbong Marcos at vice president candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.
Ibinahagi ni Miss Glenda Victorio, CEO ng Brilliant Skin Essentials, Inc., ang mga screenshot ng iba't ibang maaanghang na komento ng ilang UniTeam supporters na humihiling sa kaniyang tanggalin na si Andrea bilang product endorser.
Nakikiusap si Glenda na huwag na umanong yakapin ang 'cancel culture' at pabayaan na si Andrea sa pagpapahayag nito ng saloobin, reaksiyon, at damdamin sa social media. Huwag din daw idamay ang kaniyang produkto. Aminado rin si Miss Glenda na isa siyang BBM-Sara supporter.
"Di ba nga, pinagmamalaki natin na against tayo sa #cancelculture? Toxic 'yon!" aniya sa Facebook post nitong Mayo 12.
"People are calling me out to remove Andrea Brillantes, ilan lang 'yan sa mga comments na nai-screenshot ko. Huwag naman sanang umabot sa sisirain nating yung packaging ng product katulad nito."
"Nakausap ko na rin ang manager niya at pinagsabihan naman yung bata… At alam kong pinagsisihan niya kung anuman yung pagkakamali niya."
Ipinagtanggol din ni Miss Glenda si Andrea na kahit magkaiba sila ng mga pananaw pagdating sa usaping pampolitika, ay kilala naman niya ito nang personal at mahal niya ito.
"As much as we have differences in our political beliefs, I know Blythe personally and I love her very much. I don’t think anyone deserves the kind of bashing she is getting now. She is just as passionate as everyone else this election season and she may have said things out of intense emotions and impulse."
"These past 8 months has truly been stressful for our country regardless of color. More than spreading hate, let's spread love and understanding because it's time for us to heal as one nation. Let's be more compassionate to one another. We are after all Filipinos and babangon tayo altogether."
"Hindi lang for Brilliant Skin kundi pati na rin sa ibang brand, isipin n'yo nalang hindi lang napakaraming empleado ang umaasa dito kundi yung mga taong nabigyan ng maliit na hanapbuhay."
Bagama't wala pang tugon si Andrea tungkol dito, may makahulugan naman siyang tweet nitong Mayo 11.
"Anumang ipukol sa akin, kailanman ay di ko pagsisisihan na ako’y nanindigan. Para ito sa lahat. Para ito sa bayan. Sa huli, isang Pilipinas lang ang ating pinaglalaban."
Hayagan ang naging pagsuporta ni Andrea sa Leni-Kiko tandem at isa sa mga Kakampink celebrity na tumulong sa pangangampanya para sa kanila.
Hindi rin nangimi si Andrea na magpahayag ng kaniyang saloobin nang magsimula na ang bilangan ng mga boto noong Mayo 9 ng gabi.