Bababa ng 12 sentimo kada kilowatt hour (kwh) ang singil sa kuryente ng Manila Electric Co. (Meralco) ngayong Mayo.
Paliwanag ng Meralco, ito'y katumbas ng ₱24 na bawas sa bayarin ng mga kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; ₱36 sa mga nakakagamit ng 300kwh; ₱48 sa mga kumukonsumo ng 400kwh at ₱60 naman sa gumagamit ng 500kwh.
Nilinaw ng kumpanya na tumaas ang generation charge ng ₱0.35/kwh, gayunman, bumaba pa rin ang singil sa kuryente dahil inatasan naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na mag-refund ng mahigit ₱7.7 bilyong over collections.
Katumbas ito ng reduction na 47 sentimo kada kwh sa mga residential customers.
Ang naturang refund ay isasagawa ng Meralco sa loob ng isang taon, simula ngayong buwan.