Muling nagpaabot ng pagbati si Comedy Queen Ai Ai Delas Alas sa sinuportahang presidential at vice presidential candidates na sina dating Senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte, na kapwa nangunguna sa bilangan ng mga boto, na partial at unofficial pa lamang.
Pinasalamatan din ni Ai Ai sa kaniyang Instagram post noong Mayo 10 ang ama ni Inday Sara na si Pangulong Rodrigo Duterte na ilang buwan na lamang ay matatapos na ang termino.
"Congratulations sa ating bagong bise presidente ng Republika ng Pilipinas VP INDAY SARA DUTERTE (at salamat din po sa inyong ama na si PP RODRIGO ROA DUTERTE… isa sa magaling na presidente ng ating bansa, salamat po sa mga nagawa n'yo para sa aming mga Pilipino lalo na sa mga OFW natin… ani Ai Ai.
Siyempre, pinuri din niya si BBM at excited na raw siyang maranasan ang bagong Pilipinas---muli na naman daw niyang mararanasan ang mga naranasan niya noong bata pa siya, sa panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
"At siyempre pa ang bagong presidente ng Republika ng Pilipinas MR. PRESIDENT FERDINAND 'Bongbong' MARCOS, JR. nararamdaman ko na ang pagpapatuloy ninyo ng isang bagong PILIPINAS… makakatikim na ang ating kababayan ng mga naranasan namin noong bata pa ako, nutribun, klim, love bus, Masagana 99, Kadiwa (mga murang bilihin na pagkain) Bliss ( pabahay na disente) Folk Arts, PICC, Film Center, HEART CENTER kung saan parating na ospital ang nanay ko at onte lang binabayaran namin, Lung Center, Kidney Center, Bataan Powerplant, mga disiplinadong Pilipino pag may curfew pag wala ka sa bahay ng 12 pag nahuli ka ng Metrocom dadalhin ka sa camp crame, magbubunot ka ng damo hehe) party pa more sige hehe."
Sana raw ay maranasan ng mga taga-NCR o National Capital Region ang The NorthWind Bangui Bay Project o windmill sa Bangui, Ilocos Norte na nakaharap sa West Philippine Sea. Malaking tulong ito para sa kuryente gamit ang wind energy power system.
Naniniwala si Ai Ai na ito na raw ang simula ng 'Umagang Kay Ganda'.